MANILA, Philippines – Isa si University of Santo Tomas Growling Tigers head coach Pido Jarencio sa mga napipisil na humawak ng koponang GlobalPort Batang Pier sa Philippine Basketball Association.
Kinumpira ngayong Biyernes ni GlobalPort team manager BJ Manalo sa Philstar.com na naghahanap na sila ngayon ng kapalit ni interim coach Ritchie Ticzon na pinamunuan ang Batang Pier sa PBA Philippine Cup.
“We’re considering having a new head coach. Coach Pido is very high on our list,†sabi ni Manalo.
Bigong makatawid ang Global Port sa semifinals matapos silang sipain ng Rain or Shine, 96-106, nitong kamakalawa kaya naman ngayon ay nagpapahinga muna ang koponan.
“Katatapos lang ng game namin nung isang araw. Right now, we just want to take a break then evaluate our performance this conference,†dagdag ng team manager.
Samantala, ayaw naman muna isipin ni Jarencio ang coaching job na maaari niyang makuha sa professional league.
“Sa ngayon, nasa UST pa ako. Ayoko munang mag-comment about it,†banggit ni Jarencio sa hiwalay na panayam ng Philstar.com.
Hindi na bago sa paghawak ng koponan si Jarencio dahil nabigyan niya ang UST Tigers ng isang kampeonato sa UAAP noong 2006, habang back-to-back UAAP Finals appearance naman nitong huling dalawang taon.
Kinilala din si Jarencio bilang Coach of the Year ng UAAP noong 2006, kung saan iyon ang unang taon niyang hawakan ang Growling Tigers.
Hindi ito ang unang beses na mapisil si Jarencio na humawak ng koponan sa PBA.
Isa rin si Jarencio sa mga pinag-piliang maging head coach ng Barako Bull ngunit napunta ito kay Rajko Toroman.
“Basta malalaman niyo rin pero wala pa sa ngayon,†ani Jarencio.