NU Spikers pakay ang 6-dikit vs UST Belles

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

8:30 a.m. UST vs FEU (M)

10 a.m.  Ateneo

vs La Salle (M)

2 p.m. Ateneo vs UP (W)

4 p.m. NU vs UST (W)

 

MANILA, Philippines - Itataya ng National University ang kanilang limang sunod na panalo sa determinadong UST habang ang  Ateneo ay magbaba­lak na wakasan ang dalawang dikit na pagkatalo sa pagpapatuloy ng 76th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Unang sasalang ang Lady Eagles laban sa UP sa ganap na alas-2 ng hapon at pipilitin ng una na maibaon sa limot ang dalawang dikit na pagkatalo sa kamay ng karibal na La Salle na naganap sa pagtatapos ng first round at pagbubukas ng second round elimination.

May 5-3 baraha ang Ate­neo at kung maulit nila ang pananaig sa Lady Maroons sa first set ay patuloy silang palaban para sa ma­­halagang  pangalawang puwesto na magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa semifinals.

Hawak ng Lady Bulldogs ang nasabing puwesto at pagsisikapan nilang ka­pitan pa ito sa pagsungkit sa ikawalong panalo matapos ang siyam na laro.

Nangibabaw ang NU sa UST sa unang pagtu­tuos ngunit asahan na ga­gawin ng Lady Tigresses ang lahat ng makakaya para makabawi at buhayin pa ang paghahabol sa pu­westo sa Final Four.

Nanalo ang UST sa UE sa huling laro para ta­pu­sin ang apat na sunod na pagkatalo  at iangat ang baraha sa 3-5.

Ang height advantage na taglay ng Lady Bulldogs sa pamumuno ng magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago, ang isa sa lulunasan ng UST.

Mahalaga rin sa laro ang ipakikita nina  Pam Lastimosa at Carmela Tunay at setter Alex Cabanos na siyang inaasahang bibigyan ng playing time matapos matapilok si Loren Lantin sa kanilang huling laro. (ATan)

Show comments