Road Warriors sinagasaan ang bakers, nagpasolido sa top 2
MANILA, Philippines - Tumipa si Garvo Lanete ng 20 puntos para sa kanyang ikatlong sunod na 20-point game sa 2014 at ang NLEX ay nagdomina sa Café France, 93-68, para tumibay ang kapit sa paÂngalawang puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Mabangis si Lanete sa ikatlong yugto nang hindi siya sumablay sa apat na ipinukol at may siyam na puntos para ma-outscore ng Road Warriors ang Bakers, 31-19, at gawin ang eight-point halftime kalamangan tungo sa 69-49 bentahe.
May pinagsamang 24 puntos sina Kirk Long at Ronald Pascual habang ang depensa ng Road Warriors ay naglimita sa pambato ng Bakers na si Josan Nimes sa anim na puntos lamang.
Umangat ang NLEX sa 7-1 baraha at magsisilbing momentum ang tagumpay sa pagbangga sa matikas ding Blackwater Sports sa Huwebes.
Natapos ang apat na sunod na panalo ng Bakers para bumaba sa pang-anim na puwesto sa 7-4 baraha.
Itinabla ng Cebuana Lhuillier ang karta sa 4-4 sa 89-71 pananaig sa Arellano U-Air21 habang nalusutan ng NU-Banco De Oro ang Wangs Basketball, 83-81, sa iba pang mga laro.
Sina Paul Zamar, Gab Banal, Roi Sumang, Philip Paredes at Riego Gamalinda ay nasa double-digits at nagsanib sa 56 puntos upang manatiling buhay ang paghahabol ng Gems ng puwesto sa quarterfinals.
Hindi naman naglaro si Bobby Ray Parks Jr. pero sinandalan ng Bulldogs ang tres sa huling segundo ni Dennice Villamor para kunin ang pangalawang panalo matapos ang siyam na laro.
Ibinigay ni Macky Acosta ang 81-79 kalamangan sa split bago kumana ng tres si Villamor.
- Latest