Boracay tinabunan ang hog’s breath

MANILA, Philippines - Malakas na panimula ang ginawa ng Boracay Rum upang ipatikim sa Hog’s Breath Café ang ka­nilang pangatlong sunod na pagkatalo sa 91-67 de­molisyon sa pagbabalik-laro ng PBA D-League As­pirants’ Cup kahapon sa Arellano Gym sa Legarda, Manila.

Isang 16-1 palitan ang tu­mabon sa 10-12 iskor para kunin ng Waves ang 26-13 kalamangan sa pagtatapos ng unang yugto.

Hindi na binitiwan pa ng tro­pa ni coach Lawrence Chongson ang momentum at nagtulung-tulong si­na Chris Banchero, Jeff Vier­nes, Mark Belo at Stephen Si­ruma.

“We’re still  hoping for the best,” wika ni Chongson na ang tinutukoy ay ang ma­kapasok sa quarterfi­nals.

“The good thing right now is that the players are starting to embrace the sys­tem,” dagdag nito.

Si Banchero ay mayro­ong 16 puntos at anim na assists na tila senyales na nakasanayan na niya ang takbo ng koponan.

May 11 puntos si Paul Sanga para sa Razorbacks na nakasalo ngayon sa ika­apat hanggang ikaanim na puwesto kasama ang Ca­gayan Valley at Café France.

Magarang pagsalubong sa bagong taon ang ginawa rin ng NU-Banco de Oro nang wakasan ng koponan ang anim na su­nod na pagkatalo sa ins­piradong 97-68 panalo sa Arellano University-Air21 sa unang laro.

Isinuot pa rin ni Bobby Ray Parks Jr. ang unipor­me ng Bulldogs at tumapos bitbit ang 20 puntos pero malaking tulong ang ibinigay ni Jethroy Rosario na may 18.

May 6-of-7 shooting, si Rosario ay may sampung puntos sa unang yugto pa­ra ilayo agad ang Bulldogs, 23-12.

“We never prepared for the zone but our shooting clicked. Our balance scoring was also the key,” wika ni assistant coach Joey Gua­nio na siyang dumis­kar­te kahalili ng head coach Eric Altamirano na nasa US pa­ra maghanap ng mga Fil-Am players.

Umabot sa 31 puntos, 76-45, ang kalamangan ng NU sa pagtatapos ng ikat­long yugto.

 

Show comments