LOS ANGELES - Ibinuhos ni Blake Griffin ang 13 sa 31 puntos sa huling 7:05 habang may 11 sa 20 puntos si Jared Dudley sa ikatlong yugto para pamunuan ang Los Angeles Clippers sa 112-85 panalo laban sa Charlotte Bobcats noong Miyerkules.
Ito ang ikalawang sunod na laro na kinalaban ni Dudley ang kanyang mga dating koponan at kontra sa Bobcats, siya ay nagsalpak ng pito sa 10 attempts.
Ang Clippers ang kumuha kay Dudley sa first round noong 2007 bago ipinamigay sa Phoenix Suns na kung saan nagtagal siya ng isang taon.
Nakalaban ng Clippers ang Suns noong Lunes at natalo sila, 88-107 iskor.
Si Chris Paul ay naghatid ng 17 puntos at 14 assists para ipalasap ng nagdedepensang Pacific Division champions ang ikaanim na diretsong kabiguan ng Bobcats at ika-17 sunod na pagkatalo sa road.
May tig-14 puntos sina Al Jefferson at Kemba Walker para sa Bobcats na ang anim na pagkatalo ay nadesisyunan sa loob ng anim o limang puntos lamang.
Mainit si Dudley sa seÂcond half at ang kanyang tres sa bungad ng ikaapat na yugto ang nagbigay sa Clippers ng 84-69 kalamaÂngan na lumobo sa 87-71 dahil sa magandang pasa niya tungo sa layup ni Ryan Hollins may 10:05 sa orasan.
Apat na jumpers ni Griffin at isang tres ang nagtulak sa bentahe ng Los Angeles sa 102-83, sa huling 1:50 ng labanan.
Dikitan ang labanan sa first half matapos ang pagkakaroon ng 18 palitan ng kalamangan. Parehong nasa mahigit na 50 percent shooting ang Clippers at Bobcats para matapos ang first half sa 56-all iskor.
Pero umasim ang shooting sa second half ng Bobcats para tumapos tangan lamang ang 38.2 clip upang umangat ang Clippers sa 40-1 baraha kapag ang kalaban ay may 42 percent shooting lamang.
Sa iba pang resulta, nagdomina ang Toronto Raptors sa Indiana Pacers tungo sa 95-82 panalo; ang Dallas Mavericks ay umangat sa Washington Wizards, 87-78; pinataob ng Minnesota Timberwolves ang New Orleans Pelicans, 124-112, habang lumusot ang Philadelphia 76ers sa Denver Nuggets, 114-102.