Barredo ginawaran ng Paralympic Order Award

MANILA, Philippines - Kinilala si Michael Barredo bilang kauna-unahang Filipino na ginawaran ng Paralympic Order Award mula sa International Paralympic Committee sa isinagawang General Assembly kamakailan sa Athens, Greece.

Si Barredo, na dating pangulo ng PHILSPADA at naupo rin bilang commissioner sa Philippine Sports Commission, ay isa sa apat na binigyan ng Paralympic Order na iginagawad sa mga taong tumutulong sa pagpapalaganap ng Paralympics sa kanilang nasasakupan.

Ang iba pang ginarawan ng ganitong parangal ay sina Bob Balk, ang dating Chairperson ng IPC Athletes’ Council; Duncan Campbel na nagtatag ng wheelchair rugby, at Jonquil Solt na dating chairperson ng IPC Equestrian Committee at FEI  PARA-Equestrian Technical Committee.

“It is indeed an honor for me as the first and only Filipino to be a recipient of the Paralympic Order Award from the IPC as well as the Victor Ludorum Award from the International Blind Sports Federation (IBSF),” pahayag ni Barredo na nag-courtesy call kahapon sa tanggapan ni PSC chairman Ricardo Garcia.

Kasabay nito ang pananalig na mabibigyan na rin ng importansya ang mga differently-abled athletes sa bansa.

Isinusulong ni Barredo na marebisa ang Republic Act 9064 na kilala rin bilang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 upang magkaroon na ng pantay na pagtrato ang mga abled at differently-abled athletes pati ng kanilang mga coaches at trainers.

 

Show comments