Gabuco susuntok sa gold

   Tinamaan ng kaliwa ni Josie Gabuco sa mukha si Sonkra Chanthavonsra ng Laos sa kanilang laban sa women’s flyweight 45kgs., sa boxing event ng 27th SEAG sa Wunna Theikdi Sports Complex sa Nay Pyi Taw, Myanmar.

NAY PYI TAW--Ipinakita ni Josie Gabuco ang por­mang nagbigay sa kanya ng gintong medalya noong 2011 SEA Games nang patalsikin si Sonkra Chantavonsra ng Laos, 40-36, 40-34, 40-34, at makarating sa finals sa women’s boxing ng 27th SEA Games kahapon sa Wunna Theikdi Stadium dito.

Sa pagtunog ng opening bell ay hindi na nilubayan ni Gabuco ang kalaban at gamit ang mabibilis na suntok ay pinuntusan nang pinuntusan ang Laotian para pumasok sa gold medal bout sa light flyweight division.

Kalaban niya sa finals si Warni Halawa ng Indonesia at balak niyang kunin ang ikalawang sunod na ginto sa SEAG pero una sa light fly dahil sa pinweight siya lu­maban noong 2011 sa Indonesia.

Si Gabuco rin ang ikalawang Filipina boxer na umabot sa Finals kasunod ni Nesthy Petecio na lalabanan si New Ni ng Myanmar sa featherweight category.

Hindi naman pinalad ang mga baguhang sina Ma­ricris Igam at Irish Magno nang natalo sa mga Thai lady pugs.

Si Igam ay yumukod kay Supida Satumrum, 34-40, 37-39, 36-40, habang si Magno ay nalusutan ni Peamwilai Loapeam, 37-39, 38-38, 37-39, sa bantamweight class.

Ang dalawang boksingera ay nakapaghatid naman ng bronze medals sa pambansang delegasyon.

Anim na boxers sa kalalakihan ang magtatangka na pumasok sa finals para palakasin ang hangaring dominahin ng bansa ang nasabing contact sport.

Si London Olympian Mark Anthony Barriga ay makakatapat si Mohd Faud Mohd Reuvan ng Malaysia sa light flyweight; si Rey Saludar ay susukatin si Mg Nge ng Myanmar sa flyweight; si Mario Fernandez ay haharapin si Tran Quocc ng Vietnam sa bantamweight; si Junel Cantancio ay babanggain si Muhamad Ridhawan Ahmad ng Singapore sa lightweight; si Dennis Galvan ay makikipagbasagan ng mukha kay Ericok Amonopunyo ng Indonesia sa light welterweight habang si Wilfredo Lopez ay susubukin ang lakas ni Alex Tatantos ng Indonesia sa welterweight.

Show comments