Pacquiao itinaas sa No. 1 ng WBC; puwedeng labanan si Mayweather?

MANILA, Philippines - Itinaas ng World Boxing Council (WBC) si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao bilang No. 1 contender sa welterweight division na kasaluku­yang pinaghaharian ni Floyd Mayweather, Jr.

Ngunit hindi nangangahulugan na kaagad maitatakda ang pinakahihintay na mega showdown nina Pacquiao (55-5-2, 38 KOs) at Mayweather, Jr. (45-0-0, 26 KOs) sa susunod na taon.

“The new ratings have been released with Manny Pac­quiao at number one, but the welterweight division is now in a voluntary stage and the topic of the mandatory will not be addressed for a few months by the WBC Board of Governors,” paglilinaw ni WBC secretary-general Mauricio Sulaiman.

 Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa banggaan nina Pacquiao at Mayweather dahil sa isyu sa hatian sa prize money at pagsailalim sa isang Olympic-style drug at blood testing.

Bago ang posible nilang upakan sa 2014 ay kaila­ngan munang ipanalo nina Pacquiao at Mayweather ang ka­nilang mga nakatakdang laban sa Abril 12 at Mayo 3, ayon sa pagkakasunod. 

Parehong wala pang opisyal na pahayag sina Pacquiao at Mayweather kung sino ang kanilang lalabanan sa susunod na taon.

Kasunod ni Pacquiao sa WBC welterweight ratings sina No. 2 Luis Carlos Abregu (35-1-0, 28 KOs) ng Argentina at No. 3 Amir Khan (28-3-0, 19 KOs) ng Great Britain.

Nagmula ang 34-anyos na si Pacquiao sa isang una­nimous  decision win kay  Brandon ‘Bam Bam’ Rios no­ong Nobyembre 24 sa Macau, China matapos matalo ki­na Timothy Bradley, Jr. (31-0-0, 12 KOs) at Juan Manuel  Mar­quez (55-7-1, 40 KOs) noong Hunyo 9 at Disyembre 8, 2012, ayon sa pagkakasunod.

Show comments