2 world records sa World Memory Kay Lambunao

MANILA, Philippines - Dalawang world records sa Kids division ang ginawa ng 12-anyos na si Jamyla Lambunao ng Marikina City sa 2013 World Memory Cham­pionship na natapos noong Lunes sa Croydon Confe­rence Center sa London, United Kingdom.

Binasag ng grade 7 mag-aaral ng St. Scholastica’s Academy ang world record sa Random Words at Speed Numbers events.

Gumawa si Lambunao ng  151 words sa 15 minuto habang nakabisado niya ang 206 numero sa loob lamang ng limang minuto.

Ang dating marka ay 70 words na nagawa ni Lara Hick ng Germany noong 2005 at 202 digits na naitala ni Hu Xinyun ng China noong 2010.

Bukod sa dalawang ginto sa Random Words at Speed Numbers ay kumuha pa ng apat na pilak (Names & Faces, Binary Numbers, Spoken Numbers at Speed Cards) si Lambunao bukod sa tatlong bronze medals (Abstract Ima­ges, One-hour Cards and One-hour Numbers).

Pero sa overall race ay nakontento lamang siya sa pilak na medalya dahil kinapos siya ng 62 puntos sa nagkampeong si Dong Xun ng China (3678).

Show comments