2-peat sa Hobe Bihon sa DELeague

MANILA, Philippines - Bumawi si Jamelle Corn­ley sa kabiguang ipanalo agad sa regulation ang Hobe Bihon nang kanain ang mahahalagang buslo sa overtime tungo sa 97-94 panalo sa Skyforce noong Martes ng gabi at ibulsa ang 3rd DELeague Kap. Rudy Francisco Cup sa Marikina Sports Center.

May 36 puntos sa laro ang dating PBA Best Import awardee at 15 rito ang ginawa sa huling limang minuto ng labanan.

Inako pa niya ang hu­ling siyam na puntos  ng koponan para sa matagum­pay na pagdepensa sa titulo ng Hobe Bihon.

Gumawa pa ng 13 rebounds si Cornley para pawiin ang sablay sa free throw line at buslo sa 3-point arc upang itabla ang iskor sa 77-all sa regulation.

Pumasok ang Hobe Bihon bitbit ang twice-to-beat advantage sa kalaban pero hindi na nila kinailangang sagarin ang bentahe.

May 21 puntos si Ronjay Enrile habang sina Marlou Aquino at Mac Montilla ay naghatid ng tig-14 para sa Skyforce.

Si Cornley ang MVP ng liga at nakasama sa Mythical team na binuo rin nina Mac Belo ng  PL Antipolo, Cedric Middleton ng Skyforce, Mark Caceres ng Skyforce, at Francis “Kiko’ Adriano ng Sta. Lucia East Grand Mall.

Samantala, kumulekta ng 43 puntos, walong rebounds at apat na assists si Adriano para pangunahan ang Sta. Lucia sa  125-117 pagwawagi laban sa PL Antipolo sa battle for third place noong Martes.

Show comments