Manny ipinaubaya na kay Arum ang susunod na laban

MANILA, Philippines - Hindi pakikialaman ni Manny Pacquiao ang desisyon kung sino ang sunod na itatapat sa kanya sa boxing ring.

Ang itinalang unanimous decision panalo laban kay Brandon Rios ang nagpatunay na kaya pa ni Pacquiao na lumaban at pinag-uusapan ang posibleng ikalimang rematch nila ni Juan Manuel Marquez o ang mega fight kontra kay pound for pound king Floyd Mayweather Jr.

“I don’t have an idea. It will depend on my promoter,” wika ni Pacquiao nang tanungin kung sino ang gusto niyang makaharap sa 2014.

Sa panig ni Top Rank promoter Bob Arum, ang laban kay Mayweather ang kanyang tututukan lalo  pa’t  ito ang siyang nais na mapanood ng mga mahihilig sa boxing.

“I know it’s a fight that should happen and where there is a will there is a way,” wika ni Arum.

Malaking papel para mangyari ang bakbakang Pacquiao-Mayweather ay kung tutulong ang mga networks na HBO at Showtime.

Sa Abril 12 ang target na petsa ng pagbabalik ng ring ng natatanging 8-division world champion na si Pacman at ito ay malamang na gawin sa US.

Natuwa naman si Pacquiao  sa posibilidad na makita uli siyang lumaban sa US, lalo na sa Las Vegas.

“That’s what I want, to fight in Las Vegas,” pahayag nito.

 

Show comments