MANILA, Philippines - Hindi bumigay ang San Beda sa matinding hamon na ibinigay ng Letran para kunin ang 60-56 panalo sa deciding Game Three at pagharian ang 89th NCAA men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Malayo sa nangyari noong nakaraang taon, binigyan ng Knights ng matinding sakit ng ulo ang Lions ngunit sa huli ay hindi nila kinaya na pigilan sina Arthur dela Cruz at Ola Adeogun para kunin ng San Beda ang ikaapat na sunod na titulo at ika-18 sa pangkalahatan.
Sina Dela Cruz at Adeogun ang umako sa walo sa huling siyam na puntos ng tropa ni coach Boyet Fernandez na nakuha rin ang unang NCAA title sa unang pag-upo bilang head coach ng koponan.
“Credit sa mga players dahil hindi sila bumigay,†wika ni Fernandez na pinalitan si Ronnie Magsanoc na ibinigay ang ikatlong sunod na titulo ng koponan noong nakaraang taon.
Si Dela Cruz ay naghatid ng matatag na numero na 20 puntos at 16 rebounds bukod sa tatlong assists at ang kanyang malaking buslo ay ang fade-away jumper na nagbigay sa Lions ng 57-54 kalamangan.
May 17 puntos at 13 board si Adeogun at siya ang nagtiyak ng panalo sa Lions nang kanyang butatain ang sana’y panablang lay-up ni Kevin Racal bago isinalpak ang dalawang free throws sa huling 1.7 segundo para hawakan ng koponan ang apat na puntos na kalamangan.
Matatandaan na nalagay sa kontrobersya ang Lions sa pagpasok sa Final Four dahil sinasabing naglaro sa ligang labas ang guard na si Ryusei Koga. Hindi na pinaglaro ang player dahil balak pang ipagpatuloy ang itinigil na imbestigasyon ng Management Committee upang hindi mabulabog ang Playoffs.
Ang MVP ng regular season at third pick sa PBA Draft na si Raymond Almazan ang nanguna sa Letran sa kanyang 14 puntos at 11 rebounds.
Pero natawagan siya ng kanyang pang-apat na foul sa ikatlong yugto upang ilabas sa laro. Dahil limitadong playing time ang nangyari sa 6’7 center, apat na puntos at tatlong boards lamang ang kanyang ipinagkaloob sa second half.
Ang starting guard na si Mark Cruz ay nangapa rin sa kanyang dating porma matapos magtala lamang ng 10 puntos pero nakipagsabayan pa rin ang Knights dahil kina Rey Nambatac, Jonathan Belorio at Racal.
Ang triple ni Belorio na nasundan ng mga buslo nina Nambatac at Cruz ang nagbangon sa Knights tungo sa 50-49 kalamangan.
Ngunit sa huli ay bumalik ang intensidad ng Lions sa pamamagitan nina Dela Cruz at Adeogun.
Ito ang ikalawang sunod na taon na nalagay sa ikalawang puwesto ang Knights pero taas noo nilang iiwan ang court dahil tunay na binigyan nila ng matinding laban ang nagdedepensang kampeon di tulad ng tinamong 39-67 pagkadurog sa Season 88.
San Beda 60 - Dela Cruz 20, Adeogun 17, Amer 6, Dela Rosa 6, Pascual 4, Abarcar 2, A. Semerad 2, Ludovice 2, Sara 1, D. Semerad 0.
Letran 56 - Almazan 14, Cruz 10, Nambatac 10, Ruaya 9, Racal 7, Belorio 4, Luib 2, Castro 0, Tambeling 0, Buenaflor 0, Gabawan 0.
Quarterscores: 14-7; 24-30; 45-43; 60-56.