Cagayan tuloy sa pananalasa

MANILA, Philippines - Lumawig pa sa apat ang pagpapanalo ng Cagayan Valley matapos takasan ang Derulo Accelero, 104-100, sa PBA D-League Aspirants’ Cup kagabi sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Si Kenneth Ighalo ay gumawa ng 21 puntos habang apat pang  kakampi ang nagtulong-tulong sa 62 puntos upang manatili sa unahan ang Rising Suns.

Nalaglag ang Oilers sa ikaapat na diretsong pagkatalo at kinapos sila sa end game para manatiling nasa huling puwesto sa 14-koponang liga.

Bago ito ay ginulat ng Café France ang Boracay Rum sa 84-80 panalo habang sinilat ng Arellano University ang Zambales M-Builders, 77-73, sa unang dalawang laro.

May career-high na 33 puntos si Josan Nimes para makuha ng Bakers ang ikalawang panalo ma­tapos ang apat na laro kahit wala na ang mga beteranong sina Eluid Poligrates at Ping Eximiniano na umakyat na sa PBA.

May 15 puntos pa si Mike Parala para sa nanalong koponan.

May 13 puntos si Jio­vani Jalalon,12 ang kay Moncrief Rogado at 11 ang hatid ni Keith Agovida para sa Chiefs na gumamit ng 7-0 bomba para kunin na ang kalamangan sa laro at wakasan ang dalawang dikit na pagkatalo.

 

Show comments