MANILA, Philippines - Tinakasan ng Judiciary ang Philippine National Police, 86-83, para angkinin ang 1st UNTV Cup title noong Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si Don Camaso ng 29 points para sa Judiciary, ngunit si Ariel Capus ang siyang nagsalpak ng pinakamahalagang puntos kasabay ng pagdiriwang ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Nalagay sa foul trouble sa unang tatlong yugto, humugot ang dating Jose Rizal University gunner ng anim sa kanyang 13 markers sa huling 10 minuto, tampok dito ang isang fade-away jumper na nagbigay sa Judiciary ng tatlong puntos na bentahe sa natitirang 23 segundo.
Sumandig naman ang koponan ni coach Dennis Balason sa kanilang opensa para biguin ang PNP at walisin ang kanilang best-of-three championship series.
Halos masayang ang itinayong 11-point lead ng Judiciary laban sa PNP sa third period.
Inihandog naman ni Breakthrough at Milestones Production International Chairman at CEO Daniel Razon kay Chief Justice Sereno ang championship trophy at ang symbolic check na nagkakahalaga ng P1 milyon na ibibigay ng Judiciary sa mga biktima ng lindol sa Bohol.
Tumanggap naman ang PNP ng P500,000.00 sa naturang seven-team tournament at ito ay kanilang ibibigay sa Masonic Charities for Crippled Children.