Yalin Women’s World 10-Ball Championship Amit umiskor ng 2 panalo, pasok sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Kumulekta ng dala­wang panalo si Rubilen Amit ng Pilipinas sa pagbu­bukas kahapon ng Knockout phase upang umabante sa Last  8 sa 2013  Yalin Women’s World 10-Ball Championship kahapon sa Resorts World Manila.

Race-to-eight ang laba­nan at si Amit na natalo sa kanyang huling laro sa Group 7 kay  Ho Yun Tan ng Chinese Taipei para mangailangan na sumalang sa round-of-24, ay unang pinabagsak si Jennifer Barreta ng USA, 8-2.

Binulaga agad ni Amit si  Barreta, ang natatanging US player na umusad, sa pagkuha ng 2-0 iskor para katampukan ang panalo.

Pumasok siya sa round-of-16 para harapin ang napahingang si Chou Chieh Yu ng Taipei at inila­bas ni Amit ang pasensya at tibay ng dibdib para maisantabi ang naunang pagdodomina ng Taiwa­nese player at kunin ang 8-6  tagumpay.

Agad na nanalo si Chou sa unang dalawang racks at kahit nakabawi si Amit at itinabla ang iskor matapos ang apat na racks at mu­ling bumangis ang tumbok ng kalaban para sa 5-3 bentahe.

Pero hindi bumigay si Amit na natatanging Filipina player na palaban sa titulo, habang nanlamig si Chou sa matiyagang paghahabol ng katunggali.

Tatlong sunod na racks ang kinuha ng dating World champion na si Amit para tuluyang alisan ng anumang kumpiyansa si Chou upang pumasok sa quarterfinals.

Napanatiling buhay ng nagdedepensang kampeon na si Ga Young Kim ng Korea ang paghahabol sa ikalawang sunod na titulo sa torneo habang ang kababayang si Eun Ji Park ay umabante rin nang manalo sila laban sa mga Chinese players.

Tinalo ni Kim si Fu Xiao Fang sa 8-2 iskor habang sa mas dikit na 8-6 na­ngibabaw si Park kay Sha Sha Liu.

Minalas ang mga Chinese  pool players dahil ang 18-anyos na si Gou Meng na winalis ang limang laro sa Group I sa Group Elimination ay nasibak din sa kamay ni Pei Chen Tsai ng Taiwan, 8-3.

Ang quarterfinals ay nilaro rin kagabi habang ang semis at finals ay lalaruin ngayong araw.

Show comments