So ibinulsa ang titulo sa Netherlands

MANILA, Philippines - Tinablahan ni Grandmaster Wesley So si English GM Michael Adams sa 21 moves ng Nimzo-Indian sa pagtatapos ng 17th Unive Tournament crown sa Hoogeveen, Netherlands kahapon.

Bagamat tabla lamang ang laro, sapat naman ang nakuhang 4.5 puntos ni So sa torneo para kunin din ang titulo.

Nagkaroon ng kaunting bentahe si So sa palitan nila ni Adams pero ang manlalarong may tangan ng pinakamataas na rating sa kompetisyon na 2753, ay naisantabi ito gamit ang aktibong knights para magtabla ang dalawang GMs dahil sa paulit-ulit na tira.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ni So matapos maghari sa Univer­­siade sa Kazan, Russia.

Inaasahan na makaka­tulong ang nasabing panalo para madagdagan pa ang ELO rating ni So.

Tumapos si Adams taglay ang 3.5 puntos para makasalo sa ikalawang puwesto si Dutch GM Robin Van Kampen.

Show comments