MANILA, Philippines - Tatlong Fil-American aspirants ang inaasahang tatapunan ng atensyon sa 2013 PBA Rookie Draft sa Nobyembre 3 sa Robinson’s Place sa Ermita.
Ang mga ito ay sina 6-foot-9 centers Isaac Holstein at Maika Usita at 6’3 James Forrester, isang Fil-Am na lumaki sa Canada at may 41-inch vertical leap.
Si Holstein ang bumandera sa PBA D-League sa shotblocks at naglaro para sa Gilas Pilipinas sa Dubai Invitational noong 2012.
Si Usita naman ay isang Filipino-Hawaiian na ang amang si John Usita ay mula sa Cagayan Valley.
Si Forrester ay naglaro para sa Arellano University sa NCAA at sa Cagayan sa PBA D-League at ang angkan ay tubong Pampanga.
Nagsanay si Forrester ng isang taon sa img Academy sa United States bago kumampanya para sa Chiefs sa kasalukuyang 89th NCAA season.
Sina seven-footer Greg Slaughter, 6’8 Ian Sangalang at 6’7 Raymond Almazan ang inaasahang mahihirang bilang No. 1, 2 at 3 overall picks.