TAGAYTAY, Philippines ---Pinayukod ng Tagaytay (Philippines) ang Ulaanbaatar (Mongolia), 2.5-1.5, sa seventh round para patuloy na dominahin ang 2013 Asian Cities Chess Team Championship dito.
Tinalo ni GM Mark PaÂragua si FM Myagmarsuren Gunbayar sa board 2, samantalang nakipag-draw ang kanyang mga kakamping sina Grandmasters Oliver Barbosa, John Paul Gomez at Darwin Laylo.
Nakipaghati si Barbosa ng puntos kay GM Bayarsaikhan Gundavaa kagaya nina Gomez at Laylo kina IM Batkhuyag Munguntuul at IM Gombosuren Munkhgal, ayon sa pagkakasunod.
Ang panalo ang nagbigay sa Tagaytay ng 13 points sa nasabing nine-round Swiss-system na gumagamit ng match point system.
Nakatakdang labanan ng Tagaytay team ang Pasay-Philippine Airforce sa eight at penultimate round kagabi.
Binigo ng Pasay-PhiÂlippine Airforce chess team ang Erdenet, Mongolia, 3-1, sa likod nina National Masters Onofre Espiritu, Raymond Salcedo at Allan Cantonjos.
Haharapin ni Barbosa si IM Barlo Nadera, habang tatapatan ni Paragua si Espiritu, makakatagpo ni Gomez si Salcedo at makakalaban ni Laylo si CanÂtonjos.
Iginupo ng Shanghai (China) ang Manila-Philippine Sports Commission, 3-1, at pinahiya ng Wuxi (China) ang Shah Alam (Malaysia), para magsalo sa second place sa magkatulad nilang 11 points.