Fernandez wala pang nabubuong plano sa NLEX

MANILA, Philippines - Hindi pa malaman ni NLEX coach Boyet Fernandez kung anong klaseng koponan ang kanyang mabubuo para sa 2013 PBA D-League Aspirant’s Cup na magbubukas na sa Oktubre 24 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Wala pang malinaw na plano sa komposisyon sa Road Warriors na siyang nagdedepensang kampeon ng conference, dahil abala pa si Fernandez sa NCAA.

Dahil lalawig ang kom­petisyon sa buwan ng Nobyembre, hindi lamang si Fernandez ang ala­nganin pa kundi ang mga manlalaro na maaaring nais niyang makasama sa NLEX ay hindi pa puwedeng magsanay dahil bawal ito sa liga habang nagdaraos pa ng laro.

Mangangailangan na magpasok ng bagong muk­ha sa koponan dahil mawawala na sina 7-footer Greg Slaughter, shooter RR Garcia at forward Eric Camson na nagdesisyon na sumali sa PBA Drafting sa Nobyembre 3.

Si Aljon Mariano ng UST ay sinasabing papa-sok sa koponan ngunit hindi pa batid ang iba pang baguhan para lumakas pa ang laban ng 4-time champion ng liga.

“Hindi ko pa alam kung sino ang mga holdovers at mga bagong players dahil ongoing pa ang NCAA. Sana lang ay makabuo kami ng palabang koponan,” wika ni Fernandez.

Nais na magkaroon ng magandang kampanya ang NLEX dahil nasilat sila sa hangaring palawigin sa limang conference ang pagdodomina sa D-League nang matalo sa  Blackwater Sports sa nakalipas na conference.

Mas mabigat ang tagi­san ngayon dahil 14 teams ang kasali.

Maliban sa NLEX at Blackwater, nasa liga rin ang mga beteranong teeams na Big Chill, Cebuana Lhuillier, Café France, Boracay Rum, Cagayan Valley, Hog’s Breath at Jumbo Plastic.

Ang mga baguhan na hanap ay magkaroon ng magandang kampanya ay ang Arellano, Banco de Oro, Derulo Accelero Oilers, Zambales M-Builders at Wang’s Ballclub.

 

Show comments