WASHINGTION--Gumawa ng 29 puntos ang second year guard na si Bradley Beal para tulungan ang Washington Wizards sa 100-82 panalo sa Miami Heat noong Martes at ipalasap sa nagdedepensang kampeon ang unang pagkatalo sa pre-season.
May 10-of-15 shooting si Beal, kasama ang four-of-eight sa 3-point line, at kung regular season ang labanan, napantayan na ng guard ang kanyang career-high.
Nagdagdag ng 13 puntos, 8 assists, 5 steals at 5 turnovers si John Wall at ang Wizards ay nanalo sa unang pagkakataon sa tatlong laro.
SA OKLAHOMA CITY--Naghatid ng 22 sa kanyang 36 puntos si Kevin Durant sa first half para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa madaling 109-81 panalo sa Denver Nuggets.
May apat na tres siya sa unang apat na minuto sa second half at tumapos siya taglay ang13-of-20 shooting bukod pa sa 6 rebounds at 4 assists sa loob lamang ng 23 minutong paglalaro.
SA PHOENIX--May 24 puntos si Chris Paul ngunit kinailangan ng L.A. Clippers ang matatag na endgame para kunin ang 102-96 panalo sa Phoenix Suns.
Nakitang naglaho ang 16-puntos kalamangan sa first half nang dumikit sa 95-94 ang Suns, tumugon ng dunk si Lou Amundson bago sumablay si Kendall Marshall sa mahalagang buslo na siyang nagtiyak ng ikalawang panalo sa apat na laro ng Clippers.