AIBA World Elite Men’s Championships Boncales niyanig ang Guatemalan Olympian

ALMATY, Kazakhstan -- Ginitla ni flyweight Roldan Boncales, pumalit sa may injury na si Asian Games gold medalist Rey Saludar, si Beijing Olympian Eddie Barillas ng Guatemala sa pagbubukas ng AIBA World Elite Men’s Championships dito sa Baluan Sholak Palace of Sports.

Ginamit ni Boncales ng General Santos City ang kanyang bilis at lakas para talunin ang 30-anyos na si Barillas.

“Medyo magulang siya at malakas manuntok pero ginawa ko lang ang laro ko,” sabi ng 20-anyos na miyembro ng PLDT-ABAP team na nakakuha ng 30-27, 30-17, 29-28 iskor sa tatlong judges mula sa Ukraine, Hungary at Finland.

Ito ang unang international tournament ni Boncales matapos manalo ng gold medal sa Kuala Lumpur  City Day Cup kung saan siya hinirang bilang “Boxer with Most Potential”.

Susunod na makaka­tapat ni Boncales ay si North Korea bet Ri Chung Il, kumuha ng gold medal sa Korotkov Memorial Tournament sa Khabarovsk, Russia.

 Nakatakda namang labanan ni light welterweight Dennis Galvan ng Bago City si 10th seed Gaybatullah Gadzhialiyev ng Azerbaijan.

Show comments