Sa undercard ng laban nina Bradley-Marquez Doliguez umiskor ng TKO vs Mexican boxer

MANILA, Philippines - Isang Filipino fighter ang nagpakita ng kanyang hu­­say nang umiskor ng isang impresibong panalo sa undercard ng world welterweight championship fight nina Timothy Bradley, Jr. at Juan Manuel Marquez sa Las Vegas, Nevada.

Nagtala si Jun “Hercules” Doliguez ng Sarangani Province ng isang sixth-round TKO (Technical Knockout) victory laban kay Giovanni Caro ng Mexico sa 2:53 ng laban.

Pinaganda ni Doliguez ang kanyang ring record sa 17-0-2 win-loss-draw record kasama ang 13 KOs kontra sa 24-14-4 (19 KOs) ni Caro.

Nirapido ng 22-anyos na si Doliguez ang 29-anyos na si Caro sa kanilang scheduled six- round featherweight bout hanggang patigilin niya ang Mexican sa final round.

Ilang matutulis na head shots at left straight ni Doliguez ang nagpadugo sa mukha ni Caro sa fifth round.

Nakipagsabayan si Caro kay Doliguez hanggang dumapo sa kanya ang isang mabigat na left hand ng Filipino fighter sa sixth round.

Nakatayo pa ang Mexican, nalasap ang kanyang ikatlong sunod na kabiguan, bago muling kumonekta si Dolinguez ng isang left straight sa huling pitong segundo na tuluyan nang ipinatigil ni referee Vic Drakulich.

 

Show comments