MANILA, Philippines - Malalaman ngayon kung maipopormalisa na ang labaÂnan ng Cagayan at Smart-Maynilad sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference matapos gawin ang Game Two sa Final Four sa The Arena sa San Juan City.
Ang Philippine Army na kampeon ng 2011 edisyon, ay magsisikap na palawigin sa deciding game ang serye nila ng Smart-Maynilad na siyang unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon.
Nakitaan ng tikas ang Net Spikers nang naisantabi ang triple-set point tangan ng Lady Troopers sa ikaapat na set para makumpleto ang 28-26, 25-17, 19-25, 29-27, panalo sa unang tagisan noong Martes.
Nananalig si coach Rico de Guzman na ang pride ng isang dating kampeon ang maipapaÂkita ng kanyang mga bataan para maigupo ang malakas na hamon ng tropa ni coach Roger Gorayeb.
Ito lamang ang ikatlong edisyon ng Open conference sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at bukod sa Army na kampeon noong 2011, ang Sandugo-San Sebastian ang kampeon noong nakaraang taon.
Hindi naman na idinepensa ng Sandugo ang titulo upang maiwan ang Army bilang dating kampeon sa torneo.
Asahan naman ang masidÂhing pagnanasa ng Smart na kunin ang unang puwesto sa Finals at sina Thai imports Wanida Kotruang at Kesinee Lithawat ay makikipagtulungan sa mga locals sa pamumuno ni Alyssa Valdez.
Paborito naman ang Cagayan Province na kunin ang 2-0 sweep sa Air Force sa ikalawang laro sa alas-5 ng hapon.
Tinalo ng Cagayan sa apat na sets ang Air Women sa Game One at asahan na magiging malakas ang paÂnimula ng koponan para hindi na malagay pa sa alanganin ang asam na panalo na kung maitatala ay kanilang ika-14 na sunod.
Sakaling magkaroon ng deciding Game Three sa ligang may suporta pa ng Accel at Mikasa, ito ay gagawin sa Linggo sa nasabing venue.