Sa kabiguang mawalis ang La Salle Green Archers sa 76th UAAP Finals Tigers sinisi ang sarili

MANILA, Philippines - Walang ibang sinisi si University of Sto. Tomas head coach Alfredo Ja­rencio kundi ang kanilang mga sarili sa pagkatalo sa De La Salle University sa Game Two ng 76th UAAP Finals noong Sabado sa Smart Araneta Coliseum.

“Wake up call ito sa atin. Akala natin its going to be easy,” wika ni Jarencio ma­tapos lumasap ng 77-70 pagkatalo.

Alam ng Tigers na ma­­gi­ging malakas ang pag­balikwas ng Green Archers matapos ang 72-73 pagkatalo sa Game One.

May mga plano na rin si­lang inihanda para ta­pa­tan ito ngunit hindi nila ito na­gawa.

“May mga dapat ka­ming gawin na hindi namin nagawa. Na-out of focus kami,” ani Jarencio.

Nakasama rin ang pagpapahintulot sa kanilang mga panatiko na dumalo sa kanilang practice bago ang Game Two dahil nawala ang konsentrasyon ng mga players dahil tila isang selebrasyon ang nangyari ma­tapos bumaha ng mga pagkain.

Sa hindi rin maipaliwanag na kadahilanan ay natrapik din ang koponan pag­tungo sa Big Dome dahilan upang hindi magawa ang mga nakasanayang ga­wian ng koponan bago hu­marap sa laro tulad ng pagrorosaryo.

Sa laro ay inabot hindi ng kamalasan ang Tigers nang tawagan agad ng da­la­wang fouls ang sentrong si Karim Abdul sa unang yugto para bumagsak ang depensa sa shaded area.

Iniwan kaagad ng La Salle ang UST sa reboun­ding sa first half, 35-21, ba­go nakontento sa 57-39, tam­pok ang 27-10 sa offensive glass.

Si Jeric Teng ay humataw ng 28 puntos mula sa 10-of-22 shooting pero ang bida sa Game One na si Kevin Ferrer ay nawala sa ikalawang pagtutuos.

Matapos gumawa ng 20 puntos na nilakipan ng limang tres, si Ferrer ay nag­karoon lamang ng anim na puntos mula sa 1-of-6 shooting.

Hindi naman dapat na ma­walan ng pananalig ang mga kakampi ni Tigers dahil ang isang linggong pa­gitan bago ang deciding Game Three sa Oktubre 12 ay gagamitin ng koponan para maibalik uli ang dating bangis ng paglalaro.

Hanap ng Tigers na mai­­baon sa limot ang pang­yayari noong 1999 nang ang La Salle na pinamu­munuan ni team captain at ngayon ay San Juan Ci­ty Vice Mayor Francis Za­mora ay nagkampeon ka­hit natalo sa Game One.

“DLSU played really well and our team was outhustled,” tweet ni Teng.

 

Show comments