Katatagan itataya ng Army vs Smart-Maynilad

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

2 p.m.  PNP vs Meralco

4 p.m. Smart-Maynilad vs Army

 

 

MANILA, Philippines - Magkaroon ng momen­tum papasok sa mahala­gang huling laro ang hanap ng Army sa pagbangga sa Smart-Maynilad sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Tampok na laro dakong alas-4 ng hapon itinakda ang labanan at maisulong ang pumapangalawang 9-1 baraha ang nakataya sa Army kung manalo sa Net Spikers.

Kung mangyari ito, magkakaroon pa ng tsansa ang Lady Troopers na kunin ang number one seeding papasok sa Final Four dahil huling kalaban nila sa quarterfinals ay ang walang talong Cagayan Province (11-0).

Nanalo ang Army sa Smart-Maynilad sa unang pagkikita ngunit asahan na pupukpok ang huli upang mapalakas ang kapit sa ikatlong puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

May 6-4 karta ang tropa ni coach Roger Gorayeb at ang makukuhang panalo ang magpapanatiling naka­angat ang koponan sa pumapang-apat at semifinalists ding  Air Force sa 6-5 baraha.

Aksyon sa net ang tiyak na tututukan ng mga panatiko ng dalawang koponan dahil parehong may matitikas na spikers ang Army at Smart.

Bago ito ay magtutuos muna ang Philippine National Police at Meralco sa ganap na alas-2 ng hapon na kung saan magkaroon lamang ng disenteng pagtatapos ang nakataya sa mananalo sa kompetis­yong may suporta pa ng Accel at Mikasa.

 

Show comments