Tabora, Layoso nangunguna sa BWC finals

MANILA, Philippines - Lumapit si Krizziah Ta­bora sa posibleng ikalawang sunod na pagla­laro sa Bowling World Cup nang magkaroon siya ng malaking kalamangan sa mga kalaban matapos ang second round sa qualifying event sa Paeng’s Midtown Lanes noong Miyerkules.

Ang 22-anyos na si Ta­bora ay nagtala ng 10-game series na 2055 tungo sa kabuuang 4255  pinfalls.

Siya ay angat ng 188 pins kay Lara Posadas na mayroong 4067, at 233 angat  kontra kay Mades Arles (4052) sa kababaihan.

Ang national bowler na si Benshir Layoso ay abante naman sa kalalakihan sa nagawang 5291.

Nakasunod sa 44-an­yos na si Layoso ang kasamahan sa National team na si Jeremy Posadas na mayroong 5103. Sinandalan ni Posadas ang perfect game na naitala noong Martes.

Ang hindi kilalang si Nicco Olaivar ay nakagawa rin ng 300 game para okupahan ang ikawalo at hu­ling puwesto papasok sa quarterfinals.

Maglalaban pa sa walong games ang kalala­kihan para madetermina ang top three finisher.

Ang hihiranging kampeon sa kalalakihan at ka­babaihan ay kakatawan sa bansa sa World Cup mula Nobyembre 15 hanggang 24 sa Sibiryak Bowling Center sa Krasnoyarsk, Russia.

Show comments