4-golds nilangoy ni Cambronero: Davao nagtampisaw sa pool

TAGUM CITY, Philippines--Luma­ngoy tungo sa apat na gin­tong medalya si Samantha Cambronero sa pool competition sa ikalawang araw ng 2013 Batang Pinoy Mindanao qualifying event sa Davao del Norte Sports and Tourism Center sa Tagum City.

Bigong makapag-uwi ng medalya sa limang Palarong Pambansa na si­nalihan, lutang naman ang talento ni Cambronero laban sa mga batang edad 15-anyos pababa nang dominahin ang mga individual events na 50-m breaststroke (38.61), 200m breast (3:02.14) at 50-m butterfly (35.31) bukod sa pangunguna sa Davao City na manaig sa 200-m medley (2:26.26).

“Medyo nag-improve ang mga clockings ko kaya gumanda ang performance ko,” sabi ni Cambronero na magtatangkang manalo ng anim na ginto sa paglangoy pa sa 200m individual medley at sa 100m breast.

Nanalo pa ng tig-tatlong ginto ang mga kakampi ni Cambronero na sina Katrina Nicole Aguelo, Fritz Rodriguez at Sheanetelle Fox para bigyan ang Davao City ng 19 ginto na.

Patuloy din ang pagkinang ng Davao City tracksters at sina John Kenneth Nodos at Christine Joy Jorban ay mayroong tig-tatlong ginto.

Iginawad ng finish line judges kay Nodos ang panalo sa boys’ 100m dash matapos mauwi sa dead heat ang laban nila ni South Cotabato Fereboy Kasi.

Ang dalawa ay naorasan ng 11.6 segundo at ang panalong nakuha ni Nodos ay nangyari matapos dominahin ang 400m at nakasama sa boys’ 4x100m.

Si Jorban na nanalo sa girls’ long jump ay kampeon sa triple jump at nakabilang sa 4x100m relay team.

Mabangis naman ang General Santos City sa pencak silat nang kumubra sila ng siyam na gintong medalya sa pangunguna nina Jerswin Terrado (boys’ 58-61kgs) at Zooey Lyn Buaron (girls’ 52-55 kgs).

Ang Davao City woodpushers na sina Andre Miguel Jorgio at Ella Grace Moulic ang kinilalang kampeon sa blitz sa chess.

 

 

 

 

Show comments