Sa tindi ng init ng panahon sa Nanjing, China ay nag-init din ang mga Pinoy na atleta sa kakatapos pa lang na Asian Youth Games (AYG).
Nasaksihan natin ang pagkapanalo ng mga gintong medalya ni Mia Legaspi sa golf at ni Pauline Louise Lopez sa taekwondo at mga pilak nina Princess Superal sa golf, Francis Aaron Agojo sa taekwondo at Jurence Mendoza sa tennis.
Hindi biro ang labanan sa AYG dahil binuo ito ng halos 3,000 atleta mula sa 45 na bansa. Dumalo ang mga pinakamagagaling na atleta na may edad na 14 hanggang 17.
Kabilang na nga dito ang 54 na Pinoy na pinangunahan ni Tac Padilla, ang dating kampeon natin sa air pistol, bilang pinuno ng delegasyon.
Lumaban din tayo sa athletics, badminton, 3-on-3 basketball, judo, fencing, rugby, shooting, swimming, table tennis at weightlifting pero hindi pinalad magka-meÂdalya.
Matindi ang init sa Nanjing at sa dinami-dami na rin ng ating bansang napuntahan ay masasabi ko na wala nang mas iinit pa dito. Summer kasi ngayon sa Nanjing at normal lang ang temperature na umaabot ng 38 hanggang 40 degrees.
Kapag nasa labas ka ng building ay para kang kandilang nauupos sa init. Kahit na sa mga indoor venues ay damang-dama mo ang init ng panahon.
Kaya mas hirap ang mga atleta na kailangang lumaban sa ilalim ng araw gaya ng golf at tennis.
Pero ni isa sa kanila ay walang umangal. Dinala nila ang ating bansa sa loob ng 12 araw at lumaban ng husto manalo man o matalo.
“Para sa bayan,†ang tangi nilang sigaw.