Gilas sinimulan ang fund drive para sa mga biktima ni ‘Maring’

MANILA, Philippines - Matapos igiya ang bansa sa isa sa tatlong tiket para sa 2014 FIBA World Cham­pionships sa Spain, ito naman ang panahon para tulungan ng Gilas Pilipinas ang mga biktima ng ha­nging Habagat ng bagyong ‘Maring’.

Nagbigay ng kanilang kontribusyon ang coaching staff at mga players ng Gilas Pilipinas para pasimulan ang isang fund drive katuwang ang Alagang Kapatid Foundation, ang corporate social responsibility arm ng TV5.

“@alagang kapatid:  setting up a #GilasPilipinasMa­ringFund. Requested our players and others to donate to BDO and BPI account #s on ur FB,” sabi kahapon ni head coach Chot Reyes sa kanyang twitter account na @coachchot.

Ang mga donasyon ay maaaring idiretso sa Gilas Pilipinas Maring Fund sa pamamagitan ng BDO account 00-5310-41016-4 o sa BPI account 1443-0533-32.

“Just deposit with the note #GilasPilipinasMaringFun,” wika pa ni Reyes.

Kaugnay nito, tutulong din ang Philippine Basketball Association sa mga nasa­lanta mula sa paglalagay ng seed money.

Noong Agosto ng naka­raang taon ay naglagak ang PBA ng P2 milyon bilang seed money sa isang fund drive para sa mga biktima ng bagyo.

Inaasahan ring maglulunsad ng relief efforts ang mga koponan sa pro league.  

Ang MVP Group, sa pa­mamagitan ng Maynilad, ay namimigay ng mga bottled waters sa iba’t ibang evacua­tion centers.

Sinasabi ring pumayag si Smart/PLDT chief Manny V. Pangilinan na ipagamit ang kanyang mga helicopter para sa relief jobs.

Show comments