NANJING--Nagpapakita ng magandang senyales ang golfers habang nakadalawang sunod na panalo ang 3-on-3 basketball para bigyan ng ningning ang makulimlim na kampanya ng Pilipinas sa 2nd Asian Youth Games na ginagawa dito.
Si Mia Legaspi ay gumawa ng six-under-par 66 para pangunahan ang girls division sa golf na nilalaro sa Zongshan International Golf Club.
Ang kababayang si Princess Superal ay nakasalo nina Cheng Su-Chia ng Chinese Taipei at Sangchan Supamas ng Thailand sa ikalawang puwesto bitbit ang 69.
May opening round na 72 si Gabriel Tomas Manotoc upang makatabla sa pang-anim na puwesto sa boy’s division habang si Rubert Zaragosa ay may 76 para malagay sa ika-13th puwesto.
Ang 3-on-3 team na binubuo nina George Isaac Go, Patrick Ramirez at Andrei Caracut ay nanalo sa Indonesia, 10-8, at sa Saudi Arabia 14-10, na ginagawa sa Wutaishan courts.
Sunod na katunggali ng koponan na may tatlong manlalaro lamang na ipinadala, ang Maldives sa ganap na alas-9 ng gabi noong Linggo at ang makukuhang panalo ay magpapasok sa koponan sa quarterfinals.
Ang mga magagandang balita na ito ang tumabon sa di pagpasok sa medal round ng shooter na si Amparo Acuña sa girls’ 10-meter air rifle nang magtala ng 460 puntos.
Ang marka ay lampas sa kanyang personal best na 399 pero sapat lamang ito para sa pang-12 puwesto.
Hindi rin maganda ang panimulang laban ng Philippine team sa rugby seven-a-side nang ilampaso ng Hong Kong, 57-0.