Smart, Meralco netters nagbabanta

MANILA, Philippines - Walang epekto ang pag­kakaroon lamang ng wa­long manlalaro ng Smart nang kanilang ilampaso ang FEU, 25-16, 25-5, 25-19, sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Maru Banaticla ay may 18 attack points tungo sa 19 at dalawa sa huling tatlong puntos sa third set ang kanyang inangkin para makumpleto ang straight sets panalo at hawakan ang liderato sa walong koponang liga na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.

“Hindi kami galing sa isang team kaya isa rin na kulang pa ay ang familiarization ng isa’t-isa. Pero ang mga kinuha ni coach Roger (Gorayeb) ay mga palaban naman na talaga,” ani Banaticla.

Samantala, sapat pa ang lakas ng Meralco sa fifth set para kunin ang 25-17, 17-25, 21-25, 25-15, 15-9, panalo sa Philippine National Police sa unang laro.

Ang skipper na si Maureen Penetrante-Ouano ay naghatid ng 19 hits mula sa 12 kills, 4 service aces at 3 blocks habang sina Maica Morada, Ivy Remulla at Stephanie Mercado ay nagsanib sa 42 puntos para makasalo sa liderato sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.

Ang larong ito ay mapapanood sa GMA News TV Channel 11 ngayong ala-1 ng hapon habang bukas naman ang pagsasa-ere sa laro ng Smart at FEU.

Show comments