1st UNTV Cup lalarga ngayon

MANILA, Philippines - Pitong ahensya ng pa­mahalaan at isang koponan na binubuo ng mga television at movie celebrities ang magpapasikat sa pagsisimula ng 1st UNTV Cup ngayong gabi sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang kompetisyong ito ay inorganisa ng Breakthrough and Milestones Production International (BMPI) sa pamumuno ng kanilang CEO at Chairman na si Daniel Razon upang mabuo ang kanilang samahan bukod pa sa pagtulong sa kanilang paboritong cha­ritable institution.

Naglaan ang BMPI ng P1 milyong gantimpala para sa hihiranging kampeon ng liga na ibibigay sa pangangalanang charitable institution ng papalaring koponan.

Sa ganap na alas-7 ng gabi isasagawa ang ope­ning ceremony at si Razon ay magbibigay ng kanyang pananalita at mangunguna sa ceremonial toss.

Si 2009 Birit Baby runner-up Shanne Velasco ang aawit ng national anthem habang ang iba pang personalidad na inimbitahan para bigyang kasiya­han ang mga manonood ay sina Telenovela Diva Faith Cuneta, Pinoy Idol Gretchen Espina, former Rivermaya frontman Jason Fernandez at Philippine Idol runner-up Gian Magdangal.

Ang laro ay magsisi­mula sa ganap na alas-8 ng gabi ngunit ang iskedyul ng tagisan ay malalaman ngayong hapon matapos isagawa ang draw-of-lots ng walong koponang magtatagisan.

Ang mga government agencies na kasali ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Judiciary, Philhealth, Department of Justice (DOJ), MMDA and Congress/LGU.

 

Show comments