Melindo determinadong maagaw ang korona ni Estrada

MANILA, Philippines - Noong Abril ay napanood si Milan Melindo sa undercard ng unification fight nina Brian ‘The Hawaiin Punch’ Viloria at Juan Francisco Estrada ng Mexico sa Cotai Arena ng The Venetian Hotel sa Macau, China.

Sa naturang panalo ni Estrada kay Viloria ay hi­namon siya ni Melindo, pinabagsak naman si Tommy Seran ng Indonesia sa fourth round.

Sinabi ng 25-anyos na si Melindo (29-0-0, 12 KOs) na pipilitin niyang maagaw sa 23-anyos na si Estrada (24-2-0, 18 KOs) ang mga hawak nitong World Boxing Associatoon at World Bo­xing Organization flyweight titles.

Maghaharap sina Melindo at Estrada ngayong gabi bilang bahagi ng “Fists of Gold II” card na pinangu­ngunahan ni two-time Olympic gold winner Zou Shiming laban kay Mexican Jesus Ortega sa The Venetian.

Ang WBO belt ay inagaw ni Estrada kay Brian ‘The Hawaiin Punch’ Viloria mula sa isang unanimous decision win noong Abril.

Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na magiging kapana-panabik na laban ang salpukan nina Melindo at Estrada.

“This fight, I predicted before I left the United States, will be a candidate for the Fight of the Year,” wika ni Arum. “It matches the pride of the Philippines -- you saw him on the card in April -- Milan Melindo against the champion Juan Francisco Estrada. This is a can’t miss action fight.”

Ito ang unang pagkakataon na lalaban si Melindo para sa isang lehitimong world boxing title.

“Melindo is the No. 1 rated fighter. I’m happy to fight the best. It’s a great experience to learn from the best so as to become the No. 1,” wika ni Estrada.

 

 

Show comments