Pacquiao, Shiming magsasabay sa training camp ni Roach

MANILA, Philippines - Posibleng makasaba­yan ni Manny Pacquiao si Chinese superstar Zou Shiming sa kanyang trai­ning camp bilang pagha­handa kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios.

Ito ang pahayag ni chief trainer Freddie Roach sa panayam ng Macau Daily Times hinggil sa pagsasa­nay nina Pacquiao at Shi­ming.

“One of his biggest fans, Manny Pacquiao, is co­ming, and they haven’t met yet. The thing is, we are going to be in the training camp together and they may even box together,” ani Roach.

Nakatakdang laba­nan ni Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) si Rios (31-1-1, 23 KOs) sa isang non-title, welterweight fight sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China.

Makakatapat naman ng two-time Olympic gold medalist na si Shiming si Jesus Ortega ng Mexico sa kanyang ikalawang professional bout sa Hulyo 27 sa nasabi ring venue.

Matapos ang naturang laban ni Shiming kay Ortega ay makikipag-ensayo naman ito kay Pacquiao.

Sisimulan nina Pacquiao at Rios ang kanilang seven-city promotional tour bukas sa Macau kasunod ang Beijing, Shanghai at Singapore bago ito dalhin sa Bristol, Connecticut, sa New York at sa Los Angeles, California.

Show comments