MANILA, Philippines - Ibinigay ni GM Wesley So ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Summer Universiade nang manalo kay Armenian GM Zaven Andriasian sa Armageddon-style playoff sa chess sa 27th Universiade na ginagawa sa Kazan Equestrian Complex, Kazan, Russia.
Nagtabla sina So at Andriasian sa ikasiyam at huling round para makasama sa siyam na manlalarong magkakagrupo sa unang puwesto bitbit ang 6.5 puntos.
Tatlong tie-break ang ginamit para basagin ang tabla ng mga manlalaro pero lumabas pa ring magkasalo sina So at Andriasian para mangailangan ng playoff na dinomina ng Filipino GM.
Kampeon sa world juniors sa Yerevan noong 2006, si Andriasian ay nanalo sa toss coin at pinili ang puting piyesa pero hindi siya umubra sa depensang inilatag ng 19-anyos na si So para pakinangin ang laban ng Pambansang delegasyon na ipinadala ng Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) at may ayuda ng San Miguel Corporation, Agri-Nuture, Inc. (ANI), Bestank, Healthy Options at Cobra Energy Dring.
Ang gintong medalya na ito ang tumabon sa pilak na naiuwi sa nagdaang edisyon sa Shenzhen China na naibigay ni Samuel Morrison ng taekwondo.