MANILA, Philippines - Nabigo si Colombian challenger Jorle Estrada na mapabagsak si Merlito Sabillo sa loob ng seven round.
At sa halip ay siya ang pinasuko ng Filipino world minimumweight champion.
Tinalo ni Sabillo si Estrada via ninth round Technical Knockout (TKO) para sa matagumpay niyang pagdedepensa sa suot na World Boxing Organization crown noong Sabado ng gabi sa Solaire Resort Hotel and Casino.
Ito ang unang title defense ni Sabillo sa naturang korona na kanyang nakuha matapos talunin si Colombian Luis Dela Rosa via eight-round TKO noong Marso.
Isang matigas na kaliwa ang nailusot ni Sabillo (22-0-0, 12 KOs) sa bodega ni Estrada (16-7-0, 5 KOs) na nagresulta sa kanyang pagyuko at pagkahandusay sa sahig. Itinigil ni referee Raul Cadiz, Jr. ang naturang laban sa huling 1:09 ng ninth round.
Sa first round pa lamang ay pununtirya na ni Sabillo ang bodega ng 24-anyos na si Estrada, ang No. 6 sa WBO rankings sa buwan ng Mayo.
At mula dito ay hindi na nakaporma pa si Estrada.
Sa undercard, pinabagsak ni ‘King’ Arthur Villanueva (22-0-0, 12 KOs) si Mexican Arturo Badillo (21-5-0, 19 KOs) sa 2:03 sa fourth round para kunin ang bakanteng WBO Asia Pacific super flyweight title.
Pinasuko naman ni bantamweight AJ ‘Bazooka’ Banal (29-2-1, 21 KOs) si Mexican Abraham ‘Cholo’ Gomez (18-8-1, 9 KOs) sa second round, habang pinatulog ni super bantamweight ‘Prince’ Albert Pagara (15-0-0, 11 KOs) si Khunkhiri Wor Wisaruth (9-5-1, 5 KOs) sa 2:29 sa second round sa kanilang mga non-title fights.