MANILA, Philippines - Wala pa ring trade proposal na nakakarating sa lamesa ni PBA Commissioner Chito Salud hanggang kahapon para kay Fil-Tongan Asi Taulava.
Ito ay sa kabila ng ilang ulat kaugnay sa alok ng Barangay Ginebra at Air21 para makuha ang playing rights ng 6-foot-9 na si Taulava mula sa Meralco.
Ang nasabing karapatan ang hawak ngayon ng Bolts na naghihintay ng magandang trade bago pakawalan ang 40-anyos na si Taulava.
Tinanggihan ni Taulava ang alok ng Meralco na isang three-year contract at sa halip ay naglaro para sa San Miguel Beermen sa Asean Basketball League kung saan sila nagkampeon.
Nauna nang sinabi ni Bolts’ head coach Ryan Gregorio na hindi nila basta-basta ibibigay si Taulava sa anumang PBA teams na walang malaking kapalit.
Ang Air21 ang pinakabagong koponan na gustong makakuha sa serbisyo ni Taulava sa pag-aalok kay dating No. 1 overall pick Nonoy Baclao.