MANILA, Philippines - Pinagbayad ni WBC World strawweight champion Xiong Zhao Zhong ang pagmamaliit sa kanyang kakayahan ni Filipino challenger Denver Cuello nang kunin ang majority decision na panalo na ginanap kahapon sa World Trade Centre, Dubai, United Arab Emirates.
Naging bangungot ang inakalang madaling laban ni Cuello nang ibinigay ng mga huradong sina Roman Filimonov at Serqio Izonzo ang 115-112 at 113-110 panalo para sa Chinese champion. Ang ikatlong hurado na si John Keane ay nagsabing tabla ang laban sa 113-113.
Ito ang ikalimang pagkaÂtalo sa 44 laban ni Cuello na pinatumba sa first round si Zhong gamit ang matinding kaliwa.
Pero hindi nagawang tapusin ng 26-anyos na si Cuello ang kalaban at nakaÂrekober si Zhong sa mga sumunod na rounds.
Minalas pa si Cuello na nabalian ng kanang balikat para tapusin ang 12-round bout gamit lamang ang isang kamay.
Naputukan din sa ulo si Cuello dala ng accidental head butt para maapektuhan ang kanyang paningin na kinapitalisa rin ni Zhong.
Hindi naman makapaniwala ang manager ni Cuello na si Aljoe Jaro sa kinalabasan ng labanan.
“I don’t know what happened there. Denver clearly deserved to win so we are really disappointed. Hopefully we will get another chance,†wika ni Jaro.
Bago ang labanang ito, si Cuello ay mayroong 12 sunod na panalo kasama ang second round knockout kay Ganigan Lopez ng Mexico noong Mayo 19, 2012 para kunin ang WBC Silver minimumweight title.
Ito ang ika-21 panalo sa 25 laban ng 30-anyos na si Zhong at matagumpay ang kanyang unang pagdepensa sa titulong pinanalunan laban kay Mexican Javier Martinez Resindiz noong Nobyembre 24, 2012 na ginawa sa Kunming City, China.