Abanilla sa Petron na 3 PBA teams binalasa ng SMC Corp.

MANILA, Philippines - Nangyari na ang inaasahang revamp sa panig ng San Miguel Corporation nang pormal na iluklok si dating La Salle coach Gee Abanilla bilang head coach ng Petron Blaze.

Ang ABL champion coach na si Leo Austria ay kinuha rin bilang assistant coach at makakasama sina Koy Banal at Melchor “Biboy” Ravanes.

Si Banal ay dating assistant coach sa San Mig Coffee ni coach Tim Cone habang si Ravanes ay nasa Petron na at kasama nI dating coach Olsen Racela.

Inilipat naman sa San Mig Coffee si Racela para maging assistant ni Cone habang ang dating team manager ng Petron na si Hector Calma ay ginawang alternate PBA board representative. Tinapik para pu­malit sa puwestong iniwan ni Calma ang dating champion coach sa Barangay Ginebra na si Siot Tanquinqcen ang uupong team manager ng Boosters.

Inaasahang papasok pa sa Petron bilang consultant ang dating head coach ng Indonesia Warriors na si Todd Purves.

Nagalaw din ang staff sa Barangay Ginebra dahil pumasok na si UE coach David “Boysie” Zamar bukod pa kina Renato Agustin at Jorge Gallent bilang assistant ni head coach Alfrancis Chua.

Si Samboy Lim na naupo bilang team manager ng Barangay Ginebra ay ginawa ring alternate board representative.

Ang PBA chairman na si Robert Non ang uupo nga­yon bilang team manager ng Ginebra at kinatawan ng koponan sa board.

Bagama’t ngayon lamang mauupo bilang headcoach sa PBA team, malaki na ang karanasan ni Abanilla sa coaching matapos maging deputy nina Derrick Pumaren, Yeng Guiao, Raj­ko Toroman at Racela.

Ang desisyon na magpalit ng mga tao ay para palakasin uli ang laban ng tatlong San Miguel Corporation teams sa papasok na PBA Governor’s Cup.

Pumasok sa quarterfinals ang Petron pero winalis ng Talk N’Text sa kanilang best-of-three series. Ang San Mig Coffee ay umabante naman sa semifinals pero natalo sa Alaska Aces matapos ang apat na laro sa best-of-five series.

Tanging ang Barangay Ginebra ang umabante sa Finals pero minalas na nagka-injury ang kanilang import na si Vernon Macklin tungo sa 3-0 sweep sa kamay ng Aces.

Show comments