Bedans paborito pa rin sa titulo

MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, ang three-peat champions San Beda Red Lions pa rin ang tatayong paborito para sa 89th NCAA men’s basketball season na bubuksan sa Sabado sa MOA Arena sa Pasay City.

Ipaparada ng Red Lions ang bago nilang head coach na si Boyet Fernandez, gumiya sa Sta. Lucia Realtors sa korona ng 2007 PBA Fiesta Conference at sa NLEX Road Warriors sa tatlong sunod na titulo sa PBA D-League.

Sinabi ni Fernandez na mahihirapan siyang ma­gamay ang basketball rules sa NCAA matapos manggaling sa PBA at D-League.

“Amateur rules sa NCAA, semi-professional sa D-League, so medyo mahihirapan ako pagdating sa mga basketball rules,” wika ni Fernandez, su­malo sa naiwang puwesto ni Frankie Lim. “I’m really studying the rules sa NCAA para makapag-adjust ako kaagad.”

Unang makakatagpo ng Red Lions ang host school na St. Benilde Blazers ni Gabby Velasco sa Sabado sa alas-4 ng hapon bago ang labanan ng San Sebastian Stags ni Topex Ro­binson at Letran Knights ni Caloy Garcia sa alas-6 ng gabi sa MOA Arena.

Ang mga laro ng NCAA ay mapapanood sa bagong television coveror na AksyonTV 41, ang UHF channel ng TV5.

Bukod kina Fernandez, Velasco at Garcia, itatampok din sa 89th NCAA season bilang mga bagong head coach si dating PBA superstar Atoy Co ng Mapua Cardinals.

Ang iba pang coaches na maggigiya sa kani-kanilang mga koponan ay sina Vergel Meneses ng Jose Rizal Heavy Bombers, Gerry Esplana ng Emilio Aguinaldo College Generals, Boni Tan ng Lyceum Pirates, Aric del Rosario ng Perpetual Altas at Koy Banal ng Arellano University Chiefs. Si Joe Lipa pa rin ang tatayong NCAA Commissioner.

 

Show comments