Guarin nakabalik na sa Pinas
MANILA, Philippines - Nakabalik na ng bansa ang kauna-unahang Filipino global runner na si Cesar Guarin mula sa kanyang matagumpay na Middle East run.
Bilang pagtupad sa kaniyang mithiin na maging kaÂuna-unahang Pilipino at Asyano na kumumpleto ng isang global ultramarathon, tumagal ang ME leg na ito ng 30 araw mula April 15 hanggang May 17 na binaybay ang 932 kilometro.
Anim na bansa ang bumuo sa ika-pitong bahagi ng kaniyang global run kabilang ang Bahrain, Qatar, Kuwait, Saudi Arabia, Oman at UAE.
Suportado ng GMA International, ang international arm ng nangungunang broadcast company sa bansa na GMA Network, ang beteranong distance runner at ang kaniyang grupong The Global Run simula pa noong kaniyang Australian leg noong 2012, at muli para sa Middle East leg.
Matinding pagsubok ang hinarap ni Guarin sa Middle East dahil sa sobrang init at mahabang distansiya na kakabit nito. Ani Guarin, ang kaniyang pagtakbo sa mabundok na rehiyon ng Oman ang pinaka-mahirap sa lahat, habang ang sa UAE naman ang pinakamahaba.
Nakatakdang harapin ni Guarin ang susunod na bahagi ng kaniyang Global Run--ang 2,500 km solo run sa North America, kabilang ang Alaska, Vancouver at ilang siyudad sa West Coast na tatagal mula Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon. At nasa likod pa rin ni Guarin ang GMA International sa pagpapatuloy ng kaniyang mithiin na mapabilang sa hanay ng iilan lamang na global runners sa buong mundo.
- Latest