Phl team na isasabak sa Vietnam gagawin ang lahat para manalo

MANILA, Philippines - Hindi dapat bigyan ng mataas na ekspektasyon ang ipadadalang women’s volleyball team ng Pilipinas sa Southeast Asian Zonal Qualification Tournament sa Vietnam mula Hunyo 14 hanggang 16.

Ayon sa bagong tala­gang head coach na si Roger Gorayeb, malayo ang koponan kung paghahanda ang pag-uusapan laban sa host Vietnam at Indonesia kaya’t mas ma­buting ibaba ang ekspek­tasyon sa koponan lalo na kung pag-abante sa next round ng kompetisyon ang pag-uusapan.

“Ang  Vietnam at Indo­nesia ay matagal nang naghahanda. Ang Vietnam nga ay may professional league na kinakikitaan ng mga imports mula Russia at Europe kaya’t tataas ang quality ng kanilang laro.  Ang Indonesia naman ay madalas sumali sa mga FIVB tournaments kaya talagang angat sila sa atin,” wika ni Gorayeb, coach ng Ateneo na pumangalawa sa National University sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference.

Pero hindi naman ma­ngangahulugan na mada­ling tatalunin ang binuong koponan na makakalahok sa kompetisyon dahil nasa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ang koponan ay binu­buo ng pinakamahuhusay na manlalaro ng bansa sa women’s volleyball nang nakuha ang mga ma­­­tatangkad na sina 6’2 Dindin Santiago at 6’4 Jaja Santiago para isama sa matitikas na open spikers na sina Alyssa Valdez at Myla Pablo.

Ang pinagpipitaganang setter na si Rubie De Leon ay nasa koponan habang ang matikas na libero na si Jen Reyes ang kasama rin.

Kukumpletuhin ang koponan nina Rhea Dimaculangan, Jheck Dionela, Maika Ortiz, Pau Soriano, Iari Yongco at Suzanne Roces.

Halos dalawang linggo ang gagawing pagsasanay ng koponan para makuha ang tamang chemistry at makapanorpresa sa Vietnam.

 

Show comments