Beach Soccer Elims dinomina ng Lighthouse Amihan FC at Boleiros FC

MANILA, Philippines - Nagpakilala ang mga koponan ng Lighthouse Amihan Football Club at Boleiros Football Club sa larangan ng beach soccer nang tanghaling kampeon sa idinaos na 2013 Luzon Beach Soccer Elimination noong Linggo sa Lighthouse Marina Resort sa Subic Bay.

Ang Amihan FC ay nakalusot sa lakas ng multi-titled Baguio Ladies nang iuwi ang 1-0 panalo sa larong umabot sa penalty shootout.

Ang 16-anyos at  dating basketball player na nahilig sa beach soccer na si Ayah Bumotad ang siyang nagpasok sa winning goal habang ang 13-anyos na si Yasmin Elauria ang siyang tinik sa Baguio Ladies nang ma-block ang kanilang tat­long attempts.

Nangailangan ng pe­nalty shootout nang nauwi sa 1-1 iskor sa regulation.

Si Elauria, na dating catcher sa larong softball at kinukuha ng Malditas para maging national pool member, ang siyang ninombra bilang Most Valuable Player sa kababaihan.

Ito ang kauna-unahang panalo ng Lighthouse Amihan FC sa kalalakihan man o sa kababaihan sapul nang sumali sa beach soccer noong nakaraang taon.

Hindi naman nagpahuli ang Boleiros na tinalo ang Baguio FC sa isa ring shootout, 2-1.

Si Randy Salisad, ang MVP ng 2012 edisyon habang naglalaro sa Manila FC at import ngayon ng koponang binubuo ng mga Brazilian expats, ang tumayong bida sa Boleiros nang naipasok ang goal para basagin ang 1-1 iskor sa shootout.

Nagtabla sa regulation sa 2-2, hindi na pinahintulutan ng goalie na si Paolo Pache na lumawig pa ang shootout nang na-block ng 34-anyos dating manlalaro ng handball ang sipa ni Jeffrey Catingco.

Si Pache ang hinirang bilang  Most Valuable Pla­yer sa kalalakihan.

 

Show comments