Heat nagliyab, tinambakan ang Bulls

MIAMI -- Matapos ang siyam na technical fouls, dalawang ejections at ilang tulakan, inilampaso ng Mia­mi Heat ang Chicago Bulls, 115-78, sa Game 2 para itabla sa 1-1 ang kanilang Eastern Conference semifinals series.

“No matter if you win by 20, 30, or one point, it’s a 1-1 series,” sabi ni Heat star LeBron James. “They came in and did their job. They got one on our floor and took home court. So, we’ve got to try to go Chicago and get it back.”

Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes sa Chicago.

Umiskor si Ray Allen ng 21 points sa loob ng 19 minuto, habang humakot si James ng 19 points at 9 assists para sa Heat na naglista ng isang 46-point lead laban sa Bulls.

Ang kabiguan ng Miami sa Game 1 ang nagresulta sa pagkawala ng kanilang home-court advantage laban sa Chicago.

Matapos namang magbida sa panalo sa Game 1, nagtala si Bulls guard Nate Robinson ng 3-of-10 fieldgoals shooting.

Napatalsik sina Joakim Noah at Taj Gibson sa laro sa fourth quarter para sa Chicago.

Natawagan ang Bulls ng technical fouls sa ka­nilang anim na players na pinakamarami para sa isang koponan sa playoff game matapos ang Boston kontra sa Indiana noong 2005.

Umiskor naman si Bulls forward Carlos Boozer ng 8 points.

Sa San Antonio, umiskor ang Golden State Warriors ng isang 100-91 panalo laban sa Spurs sa Game 2 para itabla sa 1-1 ang kanilang serye at wakasan ang isang 30-game losing skid sa Alamo City.

Nagtala si Klay Thompson ng career-high 34 points at 14 rebounds, ha­bang may 22 points si Stephen Curry para sa Golden State.

Hindi pa nananalo ang Warriors sa San Antonio sapul noong Pebrero14, 1997.

Tumipa naman si Tim Duncan ng 23 points at nagdagdag ng 20 si Tony Parker para sa San Antonio na  nanalo ng limang sunod na laro sa postseason.

Nagdagdag si Manu Ginobili ng 12 points at nagposte ng 11 si Kawhi Leonard bukod pa sa kanyang 12 rebounds.

 

Show comments