Kasado na ang laban ni Manny Pacquiao at Brandon Rios sa Nov. 24 sa Macau.
Sa wakas, muli nang aakyat sa ring ang ating Pambansang Kamao matapos ang kanyang kakila-kilabot na knockout kay Juan Manuel Marquez nung Disyembre.
Pinakamahabang pahinga ito ni Pacquiao na lumaban ng tatlong beses nung 2008 at dalawang beses kada taon hanggang sa matalo nga siya kay Timothy Bradley at kay Marquez.
Puro malalaking laban ang dinaanan ni Pacquiao at matapos nga ang dalawang sunod na talo, nagsisimula nang magduda ang iba.
Keso palaos na raw si Pacquiao. Keso matanda na. Keso bumagal na. Keso hindi na kaya tumanggap ng suntok. Keso masyadong busy sa pulitika. Keso nasobrahan sa Bible studies.
Lahat na yata ng uri ng keso.
Kaya eto at si Rios ang napili nilang makalaban matapos tanggihan nila Marquez at ni Bradley ang limpak-limpak na salapi para sa rematch laban kay Pacquiao.
Napasali rin si Mike Alvarado sa listahan ng kalaban. Pero hindi din pumasa. Si Rios ang ginusto ni Pacquiao na makalaban sa kanyang comeback fight.
Bakit nga ba ang 27-anyos na si Rios? Easy fight daw ang sabi ng iba.
Sa tingin nila, mas kaya ni Pacquiao si Rios. Mahilig makipagpalitan ng suntok sa gitna ng ring. Nakatayo at nakaharap palagi sa kalaban. Sa madaÂling sabi, hindi mailap.
Pero para sa akin, hindi ito nangangahulugan na chicken feed si Rios na alam mong may ibubuga rin naman. Tulog si Mike Alvarado sa kanya last year pero nabawian kamakailan.
Kailangan manalo ni Pacquiao. By knockout kung puwede. Kung hindi, ubos tayo at tapos ang boksing.
Bagamat galing siya sa talo, sa akin ay hindi ibig sabihin na easy fight si Rios para kay Pacquiao.
Pero yan ang ipagdadasal ko mula ngayon hanggang sa araw ng laban.
Maging easy fight nga sana siya.