Ipinagpag ang Indonesia Warriors sa ABL: Top seed ang San Miguel Beer

Laro sa Miyerkules

( Ynares Sports Arena, Pasig City)

5 p.m. San Miguel Beer vs Sports Rev Thailand Slammers

 

MANILA, Philippines - Sinandalan ng San Mi­guel  Beer ang mahala­gang buslo sa 15-foot line ni Asi Taulava upang hawakan ang 70-66 panalo sa Indonesia Warriors sa ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Naglaho ang naipundar na 13 puntos bentahe, 65-52, sa kalagitnaan ng huling yugto, malamig na ipinasok ng 6’10 Taulava ang charity shots matapos ang foul ni Steve Thomas upang ibalik sa tatlo ang kanilang abante, 69-66.

Kailangan ang tres para maitabla ang laro, naipukol  ni Jerick Canada  ang mahalagang buslo ngunit sumablay ito.

Bago ang mintis, si Ca­nada ay gumawa ng tatlong sunod na tres para pagningasin ang 14-2 palitan na nagdikit sa bisitang koponan sa 67-66, sa hu­ling 10 segundo.

May 12 puntos si Taulava  bukod pa sa 9 rebounds habang sina Brian Williams at Val Acuna ay may tig-15 puntos.

Ang lahat ng puntos ni Acuna ay ginawa sa first half mula sa limang tres upang tulungan ang Beermen na maitala ang pinakamalaking kalama­ngan sa laro na 17 puntos, 40-23.

Ito ang ika-13 sunod na panalo ng tropa ni coach Leo Austria at 16-3 karta at sapat na ito para angkinin ang number one spot at ang homecourt advantage sa kabuuan ng Playoffs.

Tumapos si Thomas bitbit ang 18 puntos pero hindi na siya nakaiskor sa huling yugto.

May 15 puntos si Stanley Pringle, 11 sa second half, pero ininda ng Warriors ang naisablay na lay­up sa puntong lamang lang ng dalawa ang Beermen, 65-63.

Show comments