Tama na, sobra na
Wala na nga bang patutunguhan si Boom Boom Baustista?
Meron pa naman, ayon sa kanyang promoter na si Michael Aldeguer, pero hindi na sa boxing ring matapos magtamo si Boom Boom ng isa na namang masakit na pagkatalo nung Sabado sa Davao City.
Bagsak si Boom Boom sa first round laban kay Jose Ramirez ng Mexico. Lumaban naman siya at tinapos ang 12 rounds. Kaya lang ay hindi nagustuhan ng fans ang kanyang mga ginawa sa loob ng ring.
Yumakap ng husto si Boom Boom, inipit sa leeg at tinulak niya sa lona si Ramirez. Parehong duguan ang mga boxers pero mas malala ang mga tama ni Boom Boom.
Mukhang napuno na ang salop, at ang advise ni Aldeguer kay Boom Boom ay mag-retire na ito.
Sayang. Bata pa naman si Boom Boom sa edad na 26. Pero mukhang wala na nga siyang pupuntahan pa sa loob ng boxing ring. Kung baga sa termino sa sport, basag na. Madali nang patumbahin.
Sabi ni Aldeguer, marami na rin namang naipon si Boom Boom. May sarili na siyang negosyo sa Bohol, may apat na kotse, may dalawang bahay, bagong kasal at may kapapanganak lang na anak na lalaki.
Kumpleto na ang buhay niya. Ang ayaw na lang makita ni Aldeguer ay ang magpatuloy pa siya sa boxing at hintaying masaktan ng husto.
“What’s important is his health,†sabi ni Aldeguer ng ALA Promotions na tumulong kay Boom Boom mula nung siya ay 16 years old pa lang.
Alam ni Aldeguer kung ano ang tama at kung ano mabuti para kay Boom Boom at ito ang pagre-retire.
Lahat ng bagay ay may katapusan.
Para kay Aldeguer, tapos na si Boom Boom sa boxing.
- Latest