Lady Bulldogs sinakmal ang q’finals slot

Laro Bukas

(The Arena, San Juan City)

2 p.m.  USC vs Perpetual

4 p.m.  UST vs Letran

 

MANILA, Philippines - Kinailangan ng National University ng limang sets bago nailusot ang 25-13, 25-21, 23-25, 24-26, 15-8, panalo sa NCAA champion Perpetual Help tungo sa sweep sa Group B sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Gumawa ng personal best sa conference na 36 puntos si Dindin Santiago upang manalo pa ang Lady Bulldogs kahit naisuko ang fourth set na kung saan angat sila ng three match points, 24-21.

Si Santiago ay mayroong pitong hits, kasama ang dalawang service aces sa deciding fifth para umabante sa quarterfinals bitbit ang 4-0 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda rin ng Accel at Mikasa.

“Nag-relax sila pero ang maganda ay nakarekober pa rin,” wika ni NU coach Edjet Mabbayad.

May 28 kills ang 6’2  na si Santiago habang sina Myla Pablo at Alysa Santiago ay naghatid ng 15 at 13 hits.

Ikalawang sunod na pagkatalo ito ng Lady Altas na makakapasok pa sa quarterfinals kung maipanalo ang isa sa huling dalawang laro laban sa University of San Carlos o Adamson.

Nagpasiklab sina Jeng Bualee, Suzanne Roces at Jolina Labiano para iuwi ng San Sebastian ang 25-17, 23-25, 25-23, 25-23, panalo sa Letran sa ikalawang laro.

May 64 kills ang Lady Stags sa pamumuno ni Bualee na may 24 kills tungo sa 25 puntos habang sina Roces at Lobiano ay naghatid pa ng 19 at 18 hits at ang Baste ay nakatikim din ng unang panalo matapos ang dalawang sunod na talo.

Katabla ng Lady Stags ang La Salle Dasma sa 1-2 karta pero pareho silang aabante sa quarterfinals kung manalo ang UST (2-1) sa Lady Knights (0-3) sa Huwebes.

Show comments