MANILA, Philippines - Walisin ang Group A ang handang dagitin ng Ateneo Lady Eagles sa pagharap sa La Salle-Dasmarinas sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 10 First Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 3-0 karta ang nagdedepensang kampeon sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at paborito ang Lady Eagles sa Lady PaÂtriots matapos padapain ang itinuturing na title contenÂders UST at San Sebastian bukod pa ang Letran.
Ang laro ay masisilayan dakong alas-4 ng hapon ngunit asahan na gagawin ng NCRAA champion La Salle-Dasma ang lahat para makuha ang panalo at umabante sa quarterfinals sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa.
May 1-1 karta ang Lady Patriots at kailangan nilang maipanalo ang huling dalawang laro para makausad sa susunod na round. Ang huling laro ng koponan ay kontra sa San Sebastian.
Unang magsusukatan sa ganap na ika-2 ng hapon ay ang Arellano at Adamson sa Group B.
Ang Lady Falcons ay nangangailangan ng panalo sa Lady Chiefs upang samahan ang katunggali at pahingang National University (3-0) sa quarterfinals.
Dapat magtulung-tulong ang Lady Falcons dahil inspirado ang Lady Chiefs bunga ng solidong numero na nanggagaling sa mga mahuhusay na imports na sina Mary Jean Balse at Nerissa Bautista.
Sina Balse at Bautista ay number four at five sa scoring sa naitalang 55 at 50 puntos sa tatlong laro at ang huling panalo ay naitala sa Perpetual Help noong Martes.
Ang husay nina Alyssa Valdez, Rachel Ann Daquis, Fille Cainglet at Jem Ferrer ang sasandalan ng Lady Eagles upang maliitin ang puwersa ng Lady Patriots na nagmumula kina Jennifer Manzano, Iari Yongco at Monique Tiangco.