Bolts lusot sa ot makakalaban ang Mixers sa quarters

Laro Bukas

(Smart Araneta Coliseum)

5:15 p.m. Meralco vs San Mig Coffee

7:30 p.m. Talk N Text

vs  Petron

 

MANILA, Philippines - Sadyang masidhi ang pagnanasa ng Bolts na makaiwas sa isang ‘twice-to-beat’ disadvantage sa quarterfinal round.

Ito ay matapos takasan ng Meralco ang Rain or Shine sa overtime, 118-116, para makapasok sa Top 6 sa quarterfinals ng 2013 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Humakot si 6-foot-10 import Eric Dawson ng 50 points, 14 rebounds, 5 steals at 4 assists para wakasan ng Bolts ang ka­nilang two-game losing skid.

Makakasagupa ng Me­ralco sa isang best-of-three series sa quarterfinals ang nagdedepensang San Mig Coffee.

Magbibitbit naman ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarters ang No. 1 Alaska kontra sa No. 8 Air21 at ang No. 2 Rain or Shine laban sa No. 7 Barangay Ginebra.

Ipinoste ng Bolts ang isang 10-point lead, 84-74, mula sa basket ni Paul Artadi sa third period bago nakalapit ang Elasto Pain­ters sa 102-105 agwat sa 2:48 ng fourth quarter.

Matapos ang dalawang freethrows ni Dawson mula sa foul ni 7’3 import Bruno Sundov para ilayo ang Meralco sa 108-107 sa 1:24 nito, nagsalpak naman si Gabe Norwood ng isang three-point shot na nagtabla sa Rain or Shine, 110-110, sa huling 1:03 minuto patungo sa overtime period.

Dalawang sunod na basket ni Mac Cardona ang nagbigay sa Bolts ng 114-110 abante hanggang makatabla ang Painters sa 116-116 buhat kina Norwood at Sundov sa 1:15 minuto.

Kumonekta ng isang tirada si Cardona sa huling 56.4 segundo para sa 118-116 bentahe ng Meralco, habang tumalbog naman ang tangkang tres ni Beau Belga sa panig ng Rain or Shine sa pagtunog ng final buzzer.

Samantala, hinugot naman ng Gin Kings si Fil-Am guard Josh Urbiztondo mula sa Barako Bull kapalit ni rookie forward Keith Jensen at isang future second round draft pick.

Makakatuwang nina LA Tenorio at 2008 PBA MVP Jayjay Helterbrand si Urbiztondo.

Meralco 118 - Dawson 50, Cardona 19, Reyes 10, Hugnatan 10, Manuel 9, Buenafe 6, Artadi 6, Salvacion 5, Hodge 3, Ross 0.

Rain or Shine 116 - Sundov 31, Chan 18, Lee 16, Norwood 16, Tiu 11, Cruz 9, Arana 5, Rodriguez 4, Iba˜Nes 4, Matias 2, Belga 0, Quiñahan 0.

Quarterscores: 34-26; 62-48; 86-80; 110-110; 118-116 (OT)

Show comments